Kung ang deklara ng PAGASA ay paparating o mararanasan pa lang ang El Niño sa bansa, ang ilang mga matatanda o mga senior citizens sa lungsod ng Dagupan, sinasabing ramdam na nila ang mainit na panahon kahit nitong mga nakaraang buwan at nangangamba sila sa lalo pang pagtaas ng temperatura at banta ng heat stroke.
Nitong mga nakaraang araw, iba umano ang nararanasang init o temperatura ng mga matatanda lalo sa mga oras ng alas dos hanggang alas tres ng hapon kung saan madalas silang nakararanas ng pagkahilo.
Kaya ang ilan, todo dala ng mga panangga sa mainit na sikat ng araw gaya ng pagdadala ng payong at nagbabaon na rin ng mga tubig na inumin para makagawa pa rin ng trabaho o di kaya ay makapunta pa rin sa mga dapat nilang asikasuhin.
Payo ng awtoridad, maiging uminom ng walong baso ng tubig o higit pa nang sa gayon ay hydrated ang buong katawan at hindi makaramdam ng pagkahilo, mas mainam kung kakain ng mga pagkaing maaaring makapag-refresh ng katawan at kung maaari ay tumambay sa mga lugar kung saan maraming tanim na puno para makakuha ng sariwa at preskong hangin.
Kung matatandaan, nitong mga nakaraang buwan kung saan hindi pa naidedeklera ng PAGASA ang paparating na El Niño ay nakapagtala na ng mataas na heat index sa ilang bahagi ng bansa kabilang ang Dagupan City na umabot sa 40 degree celsius ang naitalang heat index kaya naman ang mga residente lalo na ang mga matatanda, nangangamba sa maaaring pagtaas pa ng nito sa oras na maranasan na talaga ang El Niño phenomenon. |ifmnews
Facebook Comments