ILANG MEAT VENDORS SA PANGASINAN, HINDI SANG-AYON SAKALING UMIRAL SA LALAWIGAN ANG MAXIMUM SRP SA BABOY

Nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang ilang mga meat vendors sa Pangasinan kung sakaling ipatupad din ng Department of Agriculture (DA) ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa produktong baboy sa lalawigan.

Ayon sa ilang tindera ng baboy na nakapanayam ng IFM News Dagupan, sakaling umiral ang naturang kautusan sa lalawigan ay mas pipiliin na raw ng ilan sa kanila ang pagtigil sa pagbenta dahil siguradong mauuwi lamang sa pagkalugi ang kanilang negosyo.

Anila, wala rin daw magawa ang mga ito kung mataas ang presyo sa merkado dahil mataas din ang pagpataw mula sa kani-kanilang supplier.

Ayon naman sa ilan, kung sumunod man sa ibinabang patakaran ay posible umanong malaking kabawasan lalo na at hindi raw pare-pareho ang gastusin ng mga ito.

Matatandaan na epektibo sa Maynila ang pagpataw ng MSRP sa baboy na naglalaro sa 350-380 pesos ang kada kilo bilang tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagsipa sa presyo ng produktong baboy.

Sa Pangasinan, naglalaro sa P380 hanggang P400 ang presyuhan sa kada kilo nito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments