Ilang medical at hygiene supplies, pinapalibre sa buwis

Ipinalilibre sa buwis ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang facemasks, sanitizers at iba pang kahalintulad na produkto bunsod na rin ng pagdedeklara ng State of Public Health Emergency dahil sa banta ng COVID-19.

Hiniling ni Hipolito-Castelo na i-exempt sa pagbabayad ng import duties at local taxes ang mga nabanggit na medical supplies para makatulong sa publiko.

Kung ililibre sa buwis ang face masks, sanitizers, alcohol, sabon at iba pang basic hygiene products ay matitiyak ang sapat na suplay ng mga ito, stable na presyo at maiiwasan rin ang hoarding sa panahon ng krisis.


Bukod sa magiging abot-kaya ang mga hygiene products at face masks ay mapipigilan ang pananamantala ng ilang negosyante dahil sa pagbaha ng mga produkto sa merkado.

Bagama’t batid ni Castelo na bahagyang makababawas sa kita ng gobyerno ang pag-exempt sa buwis ng health at hygiene products, ang kapalit naman anya nito ay kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments