Ilang medical frontliners sa lungsod ng Parañaque, mas lalong naging kumpiyansa matapos mabakunahan kontra COVID-19

Mas lalong nagkaroon ng kumpiyansa ang ilang medical frontliners sa lungsod ng Parañaque matapos maturukan ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon sa Ospital ng Paranaque 1 at 2 Medical Director na si Dr. Jefferson Pagsisihan, dahil sa nasabing bakuna, mas lalo silang makakatutok ngayon sa kanilang trabaho at makakapagsilbi sa publiko.

Nabatid na umabot sa 100 senior medical workers ang unang binakunahan ng AstraZeneca vaccines sa sa lungsod ng Parañaque.


Unang nakatanggap ng 200 doses na AstraZeneca vaccines ang lokal na pamahalaan ng Parañaque na nakalaan para sa 100 na senior medical workers kung saan tatanggap sila ng 2 doses bawat isa.

Kaugnay nito, hinihimok ni Pagsisihan ang mga residente sa lungsod na sumailalim na rin sa pagbabakuna upang hindi na mahawaan o tamaan ng COVID-19.

Layunin ng Parañaque Local Government Unit (LGU) na unang mabakunahan ang may kabuuang 3,800 health workers sa lungsod na nasa pampubliko man o pribadong sektor.

Matatandaan na ang lungsod ng Parañaque ang unang pinagkalooban ng gobyerno ng AstraZeneca vaccines sa lahat ng Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila.

Facebook Comments