Sa kabila ng panawagan ng mga awtoridad na gumamit ng alternatibong pampaingay sa pagsalubong ng Bagong Taon, tila motor ang naging paboritong instrumento ng ilan bilang pampaingay.
Nagmistulang motor show ang ilang kalsada habang sagad-sagarang pag-rebolusyon ng makina ang naging paingay ng maraming motorista. Ngunit kasabay nito ang mga insidenteng nauuwi sa pagkasira ng makina o pagkakaroon ng problema sa tambutso.
Ayon sa ilang mekaniko sa bayan ng Calasiao, taun-taon ay may mga motoristang nagpupunta sa kanilang mga shop sa unang araw ng taon para magpa-overhaul o magpagawa ng mga nasirang bahagi ng kanilang motor dahil sa labis na paggamit nito sa selebrasyon.
Matatandaang mahigpit ang panawagan ng ilang awtoridad sa publiko na ipinagbabawal ang paggamit ng maingay na muffler o tambutso sa ilang bayan sa Pangasinan. Ilang motorista na ang nahuli at nasampolan dahil sa paglabag sa ordinansang ito.
Mas pinapayo ng mga otoridad ang paggamit ng alternatibong pampaingay tulad ng kaldero, tambol, torotot, o malalakas na speaker upang maiwasan ang perwisyo at posibleng aksidente.
Habang tuloy ang selebrasyon, patuloy ang paalala ng mga mekaniko at otoridad na mag-ingat at sumunod sa batas para sa mas ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨