Ilang mga ahensya, tinapyasan ng pondo sa 2020

Aabot sa mahigit 10 departamento ang posibleng matapyasan ng pondo sa 2020.

Ito ay kahit pa tumaas ng 12% ang P4.1 Trillion 2020 national budget kumpara sa P3.66 Trillion ngayong 2019.

Kabilang ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga ahensya na nabawasan ng pondo sa susunod na taon.


Bumaba sa 35.96% o P2.33 Billion ang hinihingi na budget ng DBM sa 2020 kumpara sa inaprubahang pondo sa 2019 na P3.64 Billion.

Pangalawa rin sa bumaba ang Office of the Ombudsman na pinaglalaanan lamang ng P3.15 Billion o 32.99% na mas mababa kumpara sa budget nito ngayong taon na P4.7 Billion.

Kasama rin sa mga natapyasan ng pondo ang Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Samantala, mahigit doble naman ang itinaas ng inilalaang pondo para sa Department of Transportation sa susunod na taon.

Mula sa P69.4 Billion ngayong 2019, tataas ito ng 111.8% sa P147 Billion.

Noong nakaraang taon, nagkaroon na rin ng mga budget cuts sa proposed 2019 national budget, na ayon sa DBM ay resulta ng pagpapalit ng sistema mula sa obligations-based patungong cash-based budgeting system.

Facebook Comments