Positibo si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na muling makakabawi ang mga airline company matapos i-lift ang travel ban sa Hong Kong at Macau.
Nabatid kasi na nakapagtala ng mababang bilang ng pasahero ang MIAA noong Enero 25 hanggang Pebrero 17, 2020 dahil na din sa ipinatupad na travel ban sa mga bansang apektado ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Monreal, bumagsak ng 16% ang bilang o nasa 300,000 pasahero ang nawala sa international flights habang 3% naman sa local flights o katumbas ng 50,000 pasahero.
Umaasa din ang opisyal na unti-unti na rin aangat ang turismo sa bansa dahil na din sa ipinatupad na partial lifting sa travel ban na ipinatupad ng gobyerno.
Sa kabila nito, nakiusap naman si Monreal na huwag na daw sanang isama sa quarantine process ang mga piloto at crew ng eroplano na manggagaling ng Hong Kong at Macau dahil kung magpapatuloy ito ay mababawasan ang manpower ng mga airlines.
Ipinapaupabaya naman na ni Monreal sa mga economic managers ng pamahalaan ang iba pang paraan para tuluyan nang makabangon ang kanilang industriya.