Nasagip ng pinagsanib na pwersa ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) at Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 ang halos 300 mga Badjao o indigenous people sa isinagawang operasyon sa Tondo, Manila.
Ayon kay MDSW Director Re Fugoso, isinagawa ang operasyon na Oplan Sagip Kalinga ng Ina ng Maynila, makaraang makatanggap sila ng reklamo hinggil sa pagdagsa ng mga Badjao na bumabalik sa lungsod sa tuwing magpa-Pasko upang mamalimos kung saan ang iba ay ginagamit pa ang karga nilang sanggol.
Sa isinagawang rescue operation, natuklasan nina Director Fugoso at P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., na commander ng MPD Station-1, kinukupkop ng ilang mga residente ng Barangay 123 ang mga Badjao kapalit ng sinisingil na P50.00 kada ulo isang araw.
Ayon kay Col. Ibay, kumikita ang mga residenteng naniningil ng upa sa mga Badjao ng P450,000 kada isang buwan.
Sa gitna ng pagsagip sa mga Badjao, natuklasan ng MDSW at pulisya ang napakadugyot na kondisyon sa naturang lugar na inuupahan ng mga ito.
Nilinaw ng MDSW na hindi nila isinasailalim sa diskriminasyon ng Manila Local Government Unit (LGU) ang mga Badjao pero dahil sa nilalabag nila ang umiiral na ordinansa sa lungsod at batas na nagpaparusa sa mga magbibigay at tumatanggap ng limos, kinakailangan lamang na iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang mga lalawigan.
Dinala na ang mga nailigtas na Badjao sa Delpan Complex sa Binondo upang malaman ang kanilang pinanggalingan saka sila isailalim sa antigen test bago isama sa Oplan Balik-Probinsiya Program habang ang mga residente naman na kumupkop sa mga badjao ay hindi na inaresto at kinasuhan matapos mangako na hindi na uulitin ang pagkakamali.