Binigyan pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang mga chairman ng barangay sa lungsod.
Ito’y dahil sa mga nagawa nila sa kani-kanilang mga barangay partikular sa nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Nasa 18 barangay chairman o tig-3 kada anim na distrito ang ginawaran bilang mga 2021 Outstanding Punong Barangay sa lungsod ng Maynila.
Sa naging pahayag ni Mayor Isko Moreno, iginiit nito na malaki ang ginagampanang papel ngayon ng mga namumuno sa barangay sa paglaban o pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Bukod dito, hinihingi rin ng alkalde ang kooperasyon at pagiging responsable ng bawat Manileño gayundin ang mga nagtutungo sa lungsod ng Maynila upang hindi kumalat pa ang sakit.
Umaasa si Mayor Isko na ang naturang pagkilala sa 18 barangay chairman ay kanila pa ring ipagpapatuloy ang nasimulan na magandang gawain habang magsilbi rin daw sana itong inspirasyon sa iba pang opisyal ng barangay sa lungsod.