Kapansin-pansin na ilan sa mga barangay sa Caloocan City ay naging pangunahing proyekto ang paglalagay ng mga CCTV sa kanilang mga kalsada at eskinita.
Sa paglilibot ng DZXL Radyo Trabaho kanina habang nagsasagawa ng “Katok Bahay, Sorpresa Trabaho”, napag-alaman na mas naging puspusan at mas naglaan ng pondo ang Barangay 14, 28 at 35 sa paglalagay ng mga CCTV.
Aabot sa humigit kumulang 100 CCTVs ang na-install sa tatlong barangay bilang bahagi ng kanilang paglaban at pag-iingat sa mga naglipanang krimen sa mga lansangan.
Aminado ang mga pamunuan ng tatlong barangay na may malaki pa rin silang problema sa krimen lalo’t kabilang ang kanilang lugar sa mga “depressed areas” o pinakamahihirap na lugar.
Samantala, sa tatlong barangay na nilibot ng DZXL Radyo Trabaho, tanging ang Barangay 14 ang hindi nagpahintulot sa atin na lumibot para mamahagi ng flyers.
Wala namang sinabing dahilan ang Barangay 14 na pinamumunuan ni Barangay Captain Efren dela Cruz maliban sa abalang-abala ang kanilang barangay sa ongoing na aktibidad na anti-rabies campaign.
Nagpaunlak naman ng panayam ang opisyal ng barangay na si Administrator Bella Lola at nagpaabot ng pasasalamat sa DZXL Radyo Trabaho sa pagbibigay ng pagkakataon sa kanilang barangay na maihatid ang kanilang mga proyekto at programa.