
Tambak na basura pa rin ang nakolekta ng mga tauhan ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) at Department of Public Services (DPS) sa isinasagawang declogging operations iba’t ibang drainage sa lungsod ng Maynila.
Bukod sa mga basura, naglalakihang mga bato sa loob ng drainage ang nakuha ng mga tauhan ng Manila local government unit (LGU) na isa-isang tinanggal mula sa binuksang box culvert.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hindi na kataka-takang magbaha kung barado ang mga daanan ng tubig ng iba’t ibang debris tulad nito.
Muling apela ng alkalde sa mga residente at mga nagtatrabaho sa lungsod na maging disiplinado at responsable sa pagtatapon ng basura para maiwasan ang pagbaha.
Bukod pa ito sa panganib na dulot ng Leptospirosis na pangunahing tinatamaan ang mga lumusong sa baha.
Bukod sa pag-iiwas ng pagtapon ng basura sa daluyan ng tubig, hinihikayat rin ang mga residente na makibahagi sa ginagawang paglilinis sa mga barangay tuwing Sabado.









