Pansamantalang nagsuspinde ng biyahe ang ilang local carriers kasunod ng power outage na naranasan sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) ngayong unang araw ng taong 2023.
Sa magkahiwalay na abiso ng Cebu Pacific Air at Philippine Airlines, sinabi na asahan na ng mga pasahero ang pansamantalang pagka-antala sa paglapag at pag-alis ng kanilang mga scheduled flight.
Siniguro naman ng Philippine Airlines na nakikipag-ugnayan na sila sa aviation authorities kaugnay ng adjustment ng flight schedules at clearance.
Nag-alok na rin ng rebooking at travel vouchers ang airline companies sa mga nais ipagpaliban ang kanilang biyahe ngayong araw hingil sa nangyaring on hold flights.
Humingi naman ng paumanhin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga pasahero, kung saan patuloy sila sa pagsasaayos ng air navigation facilities upang maibalik na muli sa normal ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals.
Nagpakalat na rin ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng emergency response teams upang pairalin ang standard operating procedures nito alinsunod sa MIAA manual on irregular operations.