Dahil sa masamang panahon dulot ng tropical depression na Kristine, nag-abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kanselasyon ng biyahe ng sasakyang pangdagat sa ilang lugar sa Bicol region.
Sa magkahiwalay na sea travel advisory, sinabi ng Coast Guard Station Catanduanes na dahil nakataas ang signal number 1 sa probinsya ay suspendido muna ang biyahe ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat.
Sa abiso naman ng Coast Guard Station Camarines Norte, suspendido muna ang biyahe ng lahat ng sasakyang pandagat na may bigat na 250 gross tonage pababa.
Ito’y dahil sa moderate hanggang sa malalakas na hanging inaasahan sa eastern seaboard ng Bicol.
Ang mas malalaking barko naman ay pinag-iingat sa malalaking alon kung saan maaari namang makisilong o makidaong ang ibang bangka para maging ligtas sa sitwasyon.