Muling nahihirapan ang mga commuter sa pagpasok sa kanilang mga trabaho dahil na rin sa kawalan ng public transportation bunsod ng muling pagsuspinde ng mass transportation dahil sa pagpapatupad muli ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Sa pag-iikot ng DZXL 558 news team sa kahabaan ng EDSA mula Crossing hanggang Makati MRT-3 Station, kapansin-pansin ang ilang mga manggagawa ang naghihintay ng libreng sakay.
Ayon sa mga nakausap ng DZXL 558, ang ilan sa kanila ay nagbabakasakali na mayroong libreng sakay na ibibigay ang pamahalaan, dahil ang iba ay nagtatrabaho sa maliliit na kompanya at walang kakayahang makapagbigay ng shuttle service.
Dahil sa walang libreng sakay na dumaraan, napilitan ang iba na maglakad na lang, at ang iba naman ay gamit ang bike, motorcycle, at e-scooter bilang sasakyan sa pagpasok sa trabaho.
Pero may mga shuttle service naman na nagpi-pick up ng empleyado sa kahabaan ng EDSA.
Sa unang araw ng muling pagpapatupad ng MECQ sa Metro Manila, muling suspendido ang mga pampublikong sasakyan tulad ng mga bus, taxi, traditional at modern jeepney, Transport Network Vehicle Service (TNVS), MRT-3, LRT 1 at 2, at Philippine National Railways (PNR).