
Isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na nasa labas na ng bansa ang ilang mga contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Marcoleta, na nag-iimbestiga sa anomalya ng flood control projects, mayroon nang nasa Amerika kabilang dito ang nagtapat na sangkot sa anomalya pero takot na lumantad.
Sinabi ni Marcoleta na hindi naman matatawag na pagtakas ito at hindi rin ito mapipigilan ng Blue Ribbon Committee.
Paliwanag ng senador, walang kapangyarihan ang komite na mag-isyu ng hold departure order kundi korte lamang.
Binigyang-diin naman ni Marcoleta na hindi papayag ang Senado na hindi humarap ang mga personalidad na sangkot sa anomalya.
Nagbanta rin ang senador na kapag dinedma ang kanilang pagdinig ay ipaaaresto ang mga ito.









