Ilang mga deboto, nagtutungo pa rin sa Quiapo Church kahit na ipinagbabawal

Todo higpit ngayon ang mga tauhan ng ManilaPolice District (MPD) Station 3 o Plaza Miranda Police Station sa paligid at harap ng simbahan ng Quiapo.

Ito’y dahil sa ipinagbabawal nila ang umpukan o pagtungo ng mga nais magsimba sa Quiapo Church ngayong unang araw ng Biyernes.

Nabatid kasi na na pawang online mass lang muna ang isinasagawa ng pamunuan ng simbahan bilang pagsunod sa guidelines ng ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.


Ang mga nais magdasal ay hindi pinapapwesto malapit o sa harap ng simbahan kung saan binibigyan sila ng pagkakataon na manalangin sandali nang hindi kalayuan sa simbahan.

Maging ang mga motorista na humihinto sa may bahagi ng Quezon Boulevard ay sinisita rin upang hindi magdulot ng umpukan at maging maayos ang daloy ng trapiko.

Isinara naman ang mga daanan sa paligid ng simbahan para sa mga nais manalangin pero ang mga nagtitinda at ilang tauhan ng establisyimento ay pinapayagan dumaan dito.

Hinihimok naman ng pamunuan ng simbahan at ng MPD ang mga deboto na makinig o manood na lamang ng mga misa sa social media page o sa website ng Quiapo Church.

Facebook Comments