Inihayag ni Senator JV Ejercito na may mga doktor sa mga ospital ng gobyerno ang posibleng sangkot sa multi-level marketing networking o mala-pyramid scheme ng mamahaling gamot na gawa ng isang pharmaceutical company.
Aniya, sa diumano’y networking ay binibigyan ng pharma ng insentibo ang mga doktor na magrereseta ng kanilang gamot.
Iginiit ni Ejercito na nakakabahala ito dahil bukod sa “conflict of interest” ay taliwas din ito sa mithiin ng Universal Health Care Law na murang presyo ng gamot.
Sa plenaryo rin ay sinabi ni Health Committee Chairman Christopher Bong Go na kailangang maimbestigahan kung networking o pyramiding ang nangyayari.
Giit ni Go, hindi dapat umabot sa puntong pagdududahan ng publiko ang mga doktor na kung saan ang higit na nakararami ay hindi naman nagsasamantala.
Sa gagawing pagdinig ng Committee on Health ay haharap ang dalawa o tatlong whistleblowers o resource persons na tetestigo kung saan kabilang rito ang isang pasyente.