Binigyang parangal ng lokal na pamahalaan Maynila ang mga pribadong organisasyon at business establishment na kumalinga sa medical frontliners sa lungsod sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa maikling seremonya na ginanap sa Session Hall ng City Council, pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagbibigay ng Certificate of Recognition at tax incentives sa mga hotel na tinuluyan ng mahigit 1,500 na medical health frontliners sa nakalipas na apat na buwan ng community quarantine.
Bukod rito, inalok din ng alkalde ang pamunuan ng hotels at motels ang libreng pagsasailalim sa COVID-19 testing sa libu-libong tauhan ng mga ito upang makasiguro sa kalagayan ng kalusugan ng bawat isa.
Nagpapasalamat naman ang pamunuan ng Sampaloc group sa tinanggap na tax incentives ngunit hindi muna nila ito gagamitin dahil batid nila na kailangan pa ng ito ng lokal na pamahalaan ng Maynila dahil sa halos naubos na ang pondo sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon naman kay D. Edgard Cabangon ng ALC Group of Companies, labis ang kanilang kagalakan sa tinanggap na karangalan at pasasalamat mula sa alkalde at mga opisyal ng Maynila kung saan unang beses nila itong naranasan.
Matatandaan na una nang pinirmahan ang ordinansa na nagbibigay ng ₱100,000 tax credit sa lahat ng establisyemento na nagpapatuloy sa pag-accommodate sa lahat ng health frontliners sa lungsod.
Kabilang dito ang hotels, motels, inns, apartelles, lodging houses at iba pa.