
Umapela sa Court of Appeals ang mga consumer at multi-sektoral na grupo laban sa Energy Regulatory Commission o ERC.
Ito’y kaugnay ng pag-apruba ng ERC sa power supply agreement ng Meralco at Excellent Energy Resources Inc. o EERI.
Giit ng Power for People Coalition (P4P), nagkaroon ng tinatawag na “double charging” na aabot sa halos isang bilyong piso ang dagdag pasanin sa mga konsyumer.
Ayon kay Gerry Arances, convenor ng grupo, wala sa interes ng mamamayan ang kontratang ito at malinaw na pinapaboran lamang ang mga malalaking kompanya.
Dagdag naman ni Atty. Aaron Pedrosa ng Sanlakas, ang hakbang ng ERC ay paglabag sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA at nagbubukas sa monopolyo ng Meralco sa merkado.
Samantala, iginiit ni Luke Espiritu ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino na hindi aksidente ang ganitong uri ng pandaraya at dapat managot ang mga sangkot na opisyal at kompanya.









