Ilang mga hospital at pasilidad na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Parañaque, halos puno na ng COVID-19 patients

Inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na halos puno na ang mga hawak nilang hospital at iba pang pasilidad para sa COVID-19 patients.

Ayon kay Dr. Jefferson Pagsisihan, Director ng Ospital ng Parañaque, nasa 88.43% na ang bed capacity ng walo nilang pasilidad na humahawak ng COVID-19 cases kung saan baka hindi na nila umano kaya pang mag-accommodate ng iba pang pasyente sa mga susunod na araw.

Dagdag pa ni Pagsisihan, nasa 262 mula sa 349 maximum bed capacity ang inookupa ngayon ng mga COVID patients kung kaya’t maaaring mapuno ito sakaling patuloy na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Parañaque.


Nabatid na base sa datos ng Parañaque City Epidemiology and Surveillance Unit, nasa 2,182 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at 825 dito ang active cases.

Aabot sa 78 ang nasawi at nasa 1,279 na mga residente ang nakarekober sa sakit.

Sinabi naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na maaari pang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod bunsod na rin ng patuloy na expanded mass rapid testing na ginagawa ng lokal na pamahalaan pero kaya pa naman nila itong maasikaso.

Aminado naman ang alkalde na malaking sakit sa kanilang ulo ang mga pasaway na residente partikular sa slum areas dahil hindi umano sila sumusunid sa quarantine at health protocols sa kabila ng kanilang mga paalala.

Facebook Comments