Pinamo-monitor na ng Department of Health (DOH) sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang iba pang hospital matapos ang nangyaring sunog sa Philippine General Hospital (PGH).
Sa online media forum ng DOH, sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nakikipag-ugnayan na sila sa BFP gayundin sa Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno para i-monitor ang mga hospital para hindi na maulit ang nasabing insidente.
Aniya, madalas na nagaganap ang sunog tuwing panahon ng tag-init kaya’t nais nila na masigurong ligtas ang mga hospital.
Dagdag pa ni Vergeire, nasa 8 pasyente na rin ang nailipat nila sa ibang hospital habang pinoproseso pa nila ang dokumento ng apat na iba pa para madala na rin sa iba pang government hospital.
Nagpadala na rin ang DOH ng mga KN95 mask para sa mga personnel ng PGH matapos i-require ng pamunuan ng hospital ang pagsusuot nito hanggang ngayong araw.
Sa kasalukuyan, patuloy na umaalalay at nakikipag-ugnayan ang DOH sa pamunuan ng PGH para sa anumang tulong na kakailanganin.