Ilang mga ina at sanggol na positibo sa COVID-19 sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, patuloy na inoobserbahan ang kalagayan

Patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang nasa 30 pasyente na pawang mga ina na nagpositibo sa COVID-19 sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.

Bukod dito, tatlong mga bagong silang at dalawang iba pang mga bata ay kabilang din sa mga nahawaan ng COVID-19 sa nasabing ospital.

Bagama’t hindi isang COVID-19 referral hospital, naka-admit pa rin ang mga ito upang matutukan ang kanilang kalagayan.


Hindi naman inilalayo ang mga ina sa kanilang mga sanggol lalo na’t ang gatas nila ay maaaring magbigay proteksyon laban sa mga karamdaman.

Pero paglilinaw ni Dra. Diana Rose Cajipe ang tagapagsalita ng ospital, ang nasabing mga pasyente ay pawang mga asymptomatic.

Dagdag pa ni Dra. Cajipe, naglagay na sila ng mga lugar upang maihiwalay rin ang mga suspected at confirmed cases ng COVID-19 patient habang agad na ini-isolate ang ibang mga bagong silang na sanggol.

Pinayuhan na rin ang iba pang ina na nasa ospital na palaging magsuot ng facemask at palaging maghugas ng kamay upang makaiwas sa hawaan ng virus.

Nabatid na nasa 60 health workers ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang tinamaan rin ng COVID-19 na kasalukuyang mimonitor ang kalagayan.

Facebook Comments