Dumagsa sa tanggapan ng Department of Social Welfare Development – National Capital Region (DSWD-NCR) ang mga indibidwal na umaasang makakakuha sana ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Daan-daang indibidwal mula sa Maynila maging sa kalapit na lungsod ang sumugod sa DSWD-NCR na umaasang makakakuha ng cash assistance mula sa nasabing programa.
Nabatid na nasa P15,000.00 ang makukuha ng qualified beneficiary’s kung saan dadaan ang bawat indibidwal sa proseso.
Ikinagulat ng mga tauhan ng DSWD-NCR ang pagsugod ng mga tao kung saan napag-alaman nila na may mga naghakot sa mga ito para pumila.
Ang iba sa kanila ay madaling araw pa lamang nanatili sa labas ng DSWD-NCR at aminadong may nasabi sa kanila na magtungo sa naturang tanggapan upang makakuha ng financial assistance.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ni DSWD OIC Edu Punay ang insidente habang ang bawat indibidwal na nagtungo sa NCR Field Office nila ay agad naman inasikaso saka inabutan ng mga form.
Muling iginiit ni Punay na ang mga opisyal o tauhan ng barangay ang dapat na magbibigay ng form at sila din dapat ang magpapada ng listahan nito sa mga field offices ng DSWD.