Nasa limang isolation facilities sa Metro Manila ang puno na ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na pawang asymptomatic at may mild symptoms.
Base sa inilabas na datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang sa mga puno na ang isolation facility ay sa Batasan Complex, Quezon City University at sa Rosario Maclang Bautista Hospital na ginawang pasilidad ang mga container van.
Kasama rin sa mga isolation facility na napuno na ay ang Rizal High School sa Pasig City at ang mga container vans na matatagpuan sa C4 road sa Malabon City.
Sa kabuuan, nasa 63.84% ang bilang ng utilization rate sa 35 isolation facilities na itinayo sa Metro Manila ng DPWH.
Nangangasiwa naman sa mga itinayong isolation facilities ay ang bawat lokal na pamahalaan katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Health (DOH).
Mula sa 3,811 na kabuuang bilang ng kama sa mga isolation facility, nasa 1,378 na lamang ang bilang ng bakante.