Hindi muna madaraanan ang ilang kalsada at tulay sa mga rehiyong nakaranas ng matinding pag-ulan at pag baha bunsod ng pinagsamang epekto ng shearline at low pressure area.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang dito ang 38 kalsada at tatlong tulay sa MIMAROPA, Regions 5, 6 at 8.
Kasama rito ang ilang kalsada sa Camarines Sur, Camarines Norte, Capiz at Samar.
Unpassable din ang Baculanad Bridge sa Capoocan, Leyte maging ang Nahilugan Bridge at Mambog Bridge sa Samar dahil na-wash out ang mga ito sa malakas na ragasa ng baha.
Samantala, patuloy namang nakakaranas ng power interruption ang 60 siyudad at munisipalidad sa Region 8.
Mayroon ding bayan sa nasabing rehiyon ang walang suplay ng tubig, wala pa ring linya ng komunikasyon at non-operational ang Allen port sa Northern Samar.