Inanunsiyo ng Manila Police District (MPD) Traffic Enforcement Unit na isasara na maaga nilang isasara ang mga kalsada sa Quirino Grandstand at simbahan ng Quiapo kaugnay sa pista ng Itim na Poong Nazareno.
Sa abiso ng MPD Traffic Enforcement Unit, mula alas-10:00 ng gabi ng January 6, 2023 ay sarado ang kahabaan ng Katigbak Drive, South Drive, Independence Road gayundin ang Northbound at Southbound lane ng Roxas Blvd. mula South Drive hanggang Katigbak Drive.
Ito’y para bigyang-daan ang ilang mga aktibidad na gagawin sa kapisptahan ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.
Sa January 8, 2023, mula alas-12:01 ng hatinggabi ay sarado rin ang ilang kalsada sa paligid ng Quiapo Church.
Partikular sa North at Southbound Lane ng Quezon Blvd. mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Quezon Bridge diretso sa P. Burgos.
Gayundin ang West at Eastbound lane ng España Blvd. mula P. Campa hanggang A. Mendoza.
Kabilang din ang kahabaan ng Evangelista Street mula Plaza San Juan hanggang CM Recto Avenue, kahabaan ng Raon Street mula Evangelista hanggang Quezon Blvd.
Sarado rin ang kahabaan ng P. Paterno Street mula Quezon Blvd. hanggang Evangelista kasama ang Carriedo Street mula Rizal Avenue hanggang Plaza San Juan, kahabaan ng C. Palanca Street mula McArthur Bridge hanggang ilalim ng Quiapo o Quinta Market patungong P. Casal.
Isasara pansamantala ang kahabaan ng Bustos Street mula Plaza Sta. Cruz hanggang Rizal Avenue, Northbound lane ng Rizal Avenue mula Carriedo hanggang C.M. Recto Avenue at Northbound lane mg McArthur Bridge.
Nabatid na ang mga nabanggit na kalye at kalsada ay ang dadaanan ng isasagawang “walk of faith” kapalit ng tradisyunal na Traslacion.