Ilang mga kalsada sa Luzon, sarado dahil sa Bagyong Nika

Nasa 13 pangunahing kalsada mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley Region ang pansamantalang sarado dahil sa Bagyong Nika.

Sa report na nakarating kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, siyam na national road ang hindi madaanan ng kahit anong sasakyan partikular sa Ifugao, Kalinga, at Mountain Province.

Nasa apat na kalsada naman sa Region 2 ang sarado sa mga probinsiya ng Cagayan at Quirino.


Karamihan sa mga saradong kalsada ay nakaranas ng pagbaha, pagbagsak ng mga puno at pagguho ng lupa.

Bukod dito, limitado rin sa mga motorista ang tatlong kalsada sa Aurora at Isabela kung saan pawang mga malalaking sasakyan lamang ang makadadaan.

Patuloy ang DPWH’s Disaster and Incident Management Teams (DIMT) kasama ang Quick Response Assets (QRA) sa pagsasagawa ng clearing operation at naglagay na rin sila ng mga warning sign para ialerto ang publiko hinggil sa mga saradong kalsada.

Facebook Comments