14 na mga kasunduan sa kalakalan ang nilagdaan ng mga negosyante ng Australia at Pilipinas para sa paglalagak ng puhunan sa bansa.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakipagkita sa Australian business community sa ginanap na Philippine Business Forum sa Melbourne ngayong umaga.
Sa pahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, ang mga kasunduan na ilalagak sa Pilipinas ng Australian businessmen ay nagkakahalaga ng $1.53 billion para sa iba’t ibang industriya.
Kabilang sa mga industriyang pagbubuhusan ng kapital ng Australian businessmen ay renewable energy, waste to energy technology, organic recycling technology, countryside housing initiatives, establishment ng data centers, manufacturing ng health technology solutions at digital health services.
Ang business forum ay oportunidad para ipakita ang katatagan ng ekonomiya ng bansa sa mga potensyal na investors mula sa Australia gayundin ang paghikayat ng two-way trade at pamumuhunan sa pagitan ng nasabing bansa at Pilipinas.
Isa rin itong pagkakataon sa mga business delegation na kasama ni Pangulong Marcos Jr. para makakuha ng mga bagong contact at partnerships sa Australian market.