
Hiniling mismo ng mga kongresista na tanggalin na sa kanilang mga distrito ang mga proyekto na pare-pareho at paulit-ulit na pinopondohan.
Sa budget deliberation sa Senado, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dalawang kongresista na ang sumulat sa kanila matapos makitang may mga proyekto sa kanilang distrito na hindi nila nalalaman.
Ang mga kongresistang humiling na alisin ang mga repetitive projects ay sina Batangas 3rd District Representative King Collantes at Iloilo 4th District Representative Ferjenel Biron.
Batay sa inilabas na dokumento ni Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, puro mga multi-purpose buildings ang mga dobleng proyekto at pondo na nakita sa Batangas.
Umapela naman si Senator Loren Legarda na kung may mga tatanggaling duplicated projects ay dapat na mapalitan ito ng ibang proyekto upang hindi matanggalan ng infrastructure projects ang mga nasabing distrito.










