Inihayag ni Speaker Lord Allan Velasco na kaniyang ire-review ang committee Chairmanships sa House of Representatives habang naka-break ang Kongreso.
Ayon kay Velasco, nais niyang malaman kung ginagawa ba ng mga chairman ng komite ang kanilang trabaho at kung kailangan palitan ay gagawin niya ito.
Sinabi pa ni Velasco na ang ibang mga namumuno sa komite ay kailangan ng palitan sa pwesto lalo na’t wala na umano silang tiwala at kumpiyansa sa kaniyang pamumuno.
Aniya, tanging si Leyte Rep. Martin Romualdez na Majority Leader ang hindi niya aalisin sa pwesto at kung matatandaan, isa si Romualdez na naging kandidato sa pagka-Speaker noong July 2019 kung saan nabuo ang term-sharing deal.
Wala naman plano si Velasco na alisin sa kani-kanilang pinamumunuang komite ang ilang kongresista na personal siyang siniraan sa kasagsagan ng isyu sa pagka-Speakership.
Muli rin niyang iginiit na wala siyang pinepersonal na kongresista at ang mga hawak nilang komite ay kaniyang pinag-aaralan gayundin ang mga performance nila sa mga nagdaang taon.
Bukod dito, inaalok niya ang pagiging Deputy Speaker kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano bilang pagpapakita ng respeto subalit hindi pa sila nakakapag-usap ng personal.