Ilang mga kongresista, umapela na ibigay na lamang ng libre sa mga commuter ang beep card

Hinikayat nila Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy ang Department of Transportation (DOTr) at AF Payments Inc. (AFPI) na ibigay na lamang ng libre ang beep o fare cards sa libo-libong mga commuter.

Ang apela ni Castelo ay kasunod ng inihaing House Resolution 1272, ilang araw matapos ang naging reklamo ng mga pasahero sa “No Beep card, No ride” policy sa mass transit system at Carousel buses sa EDSA.

Batid ng kongresista na maganda ang intensyon ng cashless at contactless transaction sa public transportation para mabawasan ang health risks dulot ng COVID-19 ngunit ang halaga ng bawat beep card na P80 at initial load na P100 ay napakamahal para sa mga minimum wage earners na may inilalaan lamang na eksaktong pamasahe sa araw-araw.


Binigyang diin ni Castelo na ang halaga ng bawat beep card ay maaari nang makabili ng dalawa hanggang tatlong kilong bigas at ilang de lata ng sardinas.

Samantala, iginiit naman ni Herrera-Dy sa AFPI na i-subsidize na ng buo ang beep card sa katuwirang kikita rin naman ang kumpanya sa paulit-ulit na pagpapaload ng mga bumibili ng card.

Nais din ng kongresista na ipabasura pati ang P5 convenience fee na singil ng third party loading services at pinaalis din ang P65 maintaining balance requirement sa card.

Facebook Comments