Nakiusap ngayon si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagpaliban na muna ang pagtaas ng premium contributions ng mga members.
Bagama’t batid niya na nakasaad sa Universal Health Care Law na nakatakdang tumaas ang buwanang kontribusyon mula 3% sa 3.5% ngayong taon, pero dapat ay gawan muna aniya ng paraan ng PhilHealth na i-delay kahit sa loob ng 6 na buwan ang pagtataas sa premium contribution para mabigyan ng panahon ang Kongreso na magpasa ng amendatory bill.
Giit ni Defensor, huwag sanang sumabay ang PhilHealth sa pasanin ng publiko sa gitna ng pandemya.
Sabi ni Defensor, kahit naman maantala ang increase ay hindi mauubusan ng pondo ang ahensya dahil meron itong budgetary subsidy na ₱71 billion ngayong 2021, bukod pa ito sa kita ng PhilHealth sa investments.
Nauna na ring nanawagan si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan at atasan ang PhilHealth na ipagpaliban ang contribution hike.
Hindi aniya makatwiran na magpatupad ng contribution hike ang ahensya lalo’t hindi pa naman naaayos ang isyu ng korapsyon sa PhilHealth.