Ilang mga LED screen, itinayo na para sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos

Sinimulan nang maglagay o magtayo ng Light-Emitting Diode (LED) screens sa ilang lugar na malapit sa National Museum sa Maynila.

Ito ay para sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa June 30.

Hindi bababa sa apat na LED screens ang naitayo na habang may mga speaker na rin sa paligid at harap ng bahagi ng National Museum.


Sa bahagi naman ng Padre Burgos na kanto ng Roxas Boulevard, inilagay na rin ang malaking LED screen.

Sinasabing ipinuwesto ito sa lugar para sa mga gustong makapanuod ng live sa panunumpa ni Marcos partikular ang hindi makakalapit sa National Museum.

Samantala, todo na ang paghahanda para sa inagurasyon sa darating na Huwebes kung saan patuloy ang paglilinis ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paligid ng National Museum.

Muli namang abiso sa mga motorista na pansamantalang sarado ang Padre Burgos, Finance Road, Ma. Orosa at ilan pang malapit sa National Museum para bigyang-daan ang mga paghahanda para sa inagurasyon.

Facebook Comments