Ilang mga luxury cars ng mga Discaya, gumamit ng iba’t ibang paraan para maipuslit sa bansa

Binanggit sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means ang iba’t ibang pamamaraan na ginawa ng mga Discaya para makapagpuslit ng ilan nilang mga mamahaling sasakyan sa bansa.

Tinukoy ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ang iba’t ibang paraan na ginawa ng mga Discaya para makapagpasok sa bansa ng mga luxury cars tulad ng hindi pagbabayad ng tama, pagdodoktor ng dokumento, pandaraya sa X-ray at pagpasok ng walang import entry at certificate of payment.

Naniniwala si Nepomuceno na may modus talaga sa pagpapasok ng mga mamahaling sasakyan tulad ng Bugatti na hinihinalang ipinasok sa Batangas port pero ang nakalagay sa import entry at certificate of payment ay sa Port of Davao ito binayaran.

Tingin pa ni Nepomuceno, hindi rin na-X-ray ang sasakyan sa port o dinaya pati ang X-ray dahil ibang sasakyan ang lumabas sa halip na Bugatti.

Mayroon ding mga BOC employees na kasabwat ang mga Discaya sa Cebu, Davao, Batangas at sa iba pang lugar na kasalukuyan na ring iniimbestigahan ng ahensya.

Nasa sampung empleyado ng BOC ang naisyuhan na ng show cause order habang pinasisilip na rin ng Customs ang mga importers ng mga luxury cars na iligal na naipasok ng mga Discaya sa bansa.

Gayunman, sinabi rin ng BOC na hindi naman lahat ng mga luxury cars ng mga Discaya ay iligal dahil mayroong 17 sasakyan na nabili ng regular mula sa mga respetadong car distributors.

Facebook Comments