Ilang mga Magsasaka sa Jones, Isabela, Nasa Kamay ng Militar para sa kanilang Isinasagawang Operasyon!

*Cauayan City, Isabela- *Nasa kamay ng mga militar ang ilang mga magsasaka sa brgy. Santa Isabel, Jones, Isabela upang gawing guide sa kanilang isinasagawang operasyon makaraang magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at kasapi ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Jones at Echague.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ms. Jackie Valencia, ang tagapagsalita ng Karapatan Cagayan Valley na mayroon silang natatanggap na impormasyon mula sa mga mamamayan na umano’y may nalalabag sa karapatang pantao ang mga sundalong nagsasagawa ng operasyon sa bayan ng Jones, Isabela.

Aniya, may mga kinuhang limang magsasaka ang mga kasundaluhan na umano’y kinabibilangan ng 54th IB, 86th IB at 95th IB Philippine Army sa Santa Isabel, Jones, Isabela at pinapasailalim sa interogasyon kung saan lumalabag ito sa Article 3 no. 3 ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL.


Mayroon din umano silang natanggap na impormasyon na kinukuhanan rin umano ng mga militar ng larawan ang ilang mga magsasaka sa bayan ng San Guillermo at Jones, Isabela.

Ayon pa kay Ms. Valencia, dapat ay isinaalang-alang pa rin umano ng mga militar ang kanilang pagrespeto sa kapwa at ang kanilang mga karapatan bilang mga sibilyan.

Nanawagan naman si Ms. Valencia sa lahat ng mga komunidad na may isinasagawang military operations na huwag umanong matakot magsumbong sa mga kinauukulan kung mayroong nalalabag ang mga kasundaluhan sa karapatang pantao.

Facebook Comments