Hiniling ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Bongbong Marcos na isama sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ang ilan sa mahahalagang isyu sa Mindanao.
Sa Lunes, July 25, ay idaraos sa Batasang Pambansa ang unang SONA ni Pangulong Marcos kung saan inaasahang mababanggit nito ang mga ipaprayoridad na programa at proyekto sa ilalim ng bagong administrasyon.
Ilan sa mga nais ng kongresista na maisama sa plano ng Pangulo na proyekto sa Mindanao ay ang pagkumpleto sa rehabilitasyon ng Marawi City na limang taon nang sinisikap na matapos at maibangon muli ng pamahalaan.
Inihirit din ng mambabatas ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa sa mga nais marinig sa SONA at maisama sa mga prayoridad ng Pangulo ay ang pagpopondo sa 102-kilometer first phase Mindanao Railway at ang agarang pagpapatupad ng mga programa para sa mga coconut farmers sa ilalim ng Coconut Trust Fund Law lalo’t Davao region ang pangunahing coconut-producer sa buong bansa.