Nagpahayag ng suporta ang ilang mga malalaking business group sa Japan para maisulong ng Marcos administration ang mga development agenda para sa Pilipinas.
Ang pahayag ay mismong sinabi ng business groups kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginawang maikling pagpupulong sa Tokyo, Japan kaugnay sa official visit ni Pangulong Marcos sa Japan.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa gobyerno ng Pilipinas ay ang representante mula sa Japan Chamber of Commerce and Industry (JCCI), Sumitomo Chemical Company limited, Sompo Holdings, Inc., at Marubeni Corporation.
Sinabi naman ni Masakazu Tokura, Keidanren chairman at Sumitomo Chemical Company Limited board chairman na dahil sa mga pagbabago sa sitwasyon sa mundo ay mas pinili ng Japan at Pilipinas na magkaroon ng matatag na samahan.
Sinabi naman ni Pangulong Marcos na noong panahong naka-lockdown dahil sa pandemya ay nahirapan ang mga micro small and medium enterprises, marami aniya sa mga ito ay pinursigeng magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok.
Kaya naman ayon sa pangulo, ang tulong ng Japan sa Pilipinas ay malaking tulong para sa recovery at transformation ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bago ang pagpupulong sa mga negosyanteng hapon ay una nang nasaksihan ni Pangulong Marcos ang paglagda ng 35 Letters of Intent (LOI) para sa investments at kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at mga malalaking Japanese firm.