Ilang mga mall sa lungsod ng Maynila, gagawin na ring vaccination sites ng lokal na pamahalaan

Nakikipag-ugnayan ngayon ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamunuan ng mga mall para maging karagdagang vaccination sites.

Sa pahayag ni Mayor Isko Moreno, apat na mall sa lungsod ang kinakausap na nila para maging vaccination sites kung saan bukod pa ito sa 18 sites na ginagamit na sa ngayong ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Mayor Isko, ang mga mall na ito ay ang SM San Lazaro, SM City Manila, Robinson Place Manila at Lucky China Town Mall.


Pina-plano rin nila na magtayo pa ng iba pang vaccination sites para ma-accommodate ang lahat ng mga nagta-trabaho sa Maynila mapa-pribado o gobyerno kahit pa hindi sila residente sa lungsod.

Sinabi pa ng alkalde na masisimulan ang plano kung sakaling dumami at dumating na ang mga bakuna mula sa National Government bukod pa sa binili ng lokal na pamahalaan na 800,000 doses ng AstraZeneca.

Sakaling dumating na ang mga nasabing bakuna, isasama na ng Manila LGU sa pagbabakuna ang mga nasa A4 Category kung papayag na ang pamahalaan.

Muli rin iginiit ni Mayor Isko na kung sapat ang hawak nilang bakuna at hindi natetengga, posibleng matatapso sana nila ang pagbabakuna o baka naka-90% na sila sa kabuuang bilang ng target na mabakunahan.

Facebook Comments