Ramdam na ramdam ng ilang mga mamimili ang bumilis na inflation rate o pagtaas ng presyo ng produkto o serbisyo nitong Marso.
Ito’y matapos sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 4% ang inflation rate noong nakaraang buwan na mas mataas sa tatlong porsiyento noong Pebrero.
Ayon sa mga mamimili sa Marikina Public Market, kinukulang na sila sa kanilang budget.
Ang may negosyong karinderya na si Mercy Leonardo, dati ay ₱2,500 ang budget nila sa pamimili pero ngayon ay umaabot na sa ₱3,500 ang nagagastos nila.
Tumaas kasi ang presyo ng manok, baboy, baka at maging sangkap sa pagluluto.
Sinabi naman ni Corazon Tiamzon na bihira na lang siya mamalengke.
Minsan kasi ay bumibili na lang siya ng lutong pagkain para hindi na siya maabala sa pagluluto.
Sa ngayon, ang isang kilo ng manok ay mabibili sa ₱200, ang baboy ay ₱350 kada kilo habang ang baka ay ₱420 kada kilo.
Base sa datos ng PSA, bukod sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain at inuming hindi nakalalasing ay ilan pa sa mga tinukoy na dahilan ng pagbilis ng inflation ay ang pagtaas ng halaga ng tubig, kuryente, gas at iba pang uri ng panggatong at transportasyon.
Samantala, sinabi naman ng Malacañang na magdodoble-kayod ang pamahalaan para tugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Patuloy umanong babantayan ng mga economic manager ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa bansa.