Ilang mga militanteng grupo, pinayagang magkilos-protesta sa Mendiola kasabay ng ikinakasang transport strike

Pinayagan ng Manila Police District (MPD) ang ilang militanteng grupo na magkasa ng kilos-protesta sa may bahagi ng Mendiola.

Pinangunahan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang protesta para marinig at malaman ng kasalukuyang adminitrasyon ang kahilingan at panawagan ng mga tsuper ng tradisyunal na jeepney.

Nabatid na 30 minuto lamang ang oras na ibinigay ng MPD lalo na’t sumikip na ang daloy ng trapiko mula Legarda patungong Divisoria at Quiapo.


Sa pahayag ni Renato Reyes ang Secretary General ng grupong BAYAN, tila nagbibingi-bingihan ang mga nakaupo sa gobyerno sa hinaing ng mga tsuper lalo na’t ang iba sa kanila ay hirap pa na makabangon bunsod ng pandemya at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin partikular ang krudo.

Muling iginigiit ni Reyes na ang huling desisyon ay kay Pangulong Bongbong Marcos pa rin kung itutuloy ang pag-phase out ng mga tradisyunal na jeepney o hindi.

Kaya’t dahil dito, hiling nila na dapat upuan at pakinggan ng pangulo ang mga tsuper lalo na’t pamilya ng mga ito ang lubos na mahihirapan sa ikinakasang public utility vehicle (PUV) Modernization Program.

Kaugnay nito, inihayag pa ni Reyes na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakagawa ng paraan ang gobyerno para mapigilan ang napipintong phaseout ng mga tradisyunal na jeepney.

Facebook Comments