Ilang mga miyembro ng PISTON at ibang grupo, nanatili sa Liwasang Bonifacio sa ikalawang araw ng transport strike

Nagpalipas ng magdamag sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila ang ilang mga miyembro ng PISTON.

Kasama nila ang iba pang grupo na sumusuporta para tutulan ang planong PUV modernization program ng pamahalaan.

Ito’y kasabay ng ikalawang araw ng transport strike kung saan ngayong araw ang deadline na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa jeepney drivers and operators na magpa-consolidate o bumuo ng transport cooperatives o corporations.


Ngayong araw ay magpapatuloy ang programa at protesta ng PISTON kasama ang ibang grupo hangga’t wala silang nakukuhang paliwanag mula sa pamahalaan.

Mananatili sila sa Liwasang Bonifacio habang hinihintay ang magiging sagot sa ipinasa nilang petisyon sa Korte Suprema.

Bukod dito, plano rin nilang magtungo sa Mendiola para doon ipagpatuloy ang protesta bilang pagkontra sa PUV modernization program.

Facebook Comments