Daan-daang mga Muslim ang dumagsa sa Golden Mosque sa lungsod ng Maynila.
Ito’y kaugnay sa pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr ng mga Muslim ngayong araw.
Para masiguro ang katahimikan at masunod ang mga health protocols, todo bantay ngayon ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakakasakop sa lugar katuwang ang ilang tanod ng barangay.
Ang mga kalsada o kanto sa paligid ng Golden Mosque ay kanilang binabantayan kung saan nananatili ang mga Muslim para sumamba.
Palagian ding pinapaalalahanan ang mga Muslim na sumunod sa protocols hanggang sa matapos ang oras ng kanilang pagsamba.
Matatandaan na una nang hinimok ng MPD at Department of Health (DOH) ang mga Muslim na sa kanilang tahanan na lamang magdasal at ipagdiwang ang Eid’l Fitr.
Pero kung kinakailangan magtungo sa mga lugar na pagdarausan ng pagsamba, maiging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask, face shield at pairalin ang physical distancing.