Ilang mga nagpalista sa online pre-registration para sa vaccination program ng lokal na pamahalaan ng Maynila, patuloy na dumarami

Inihayag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na umaabot na sa higit 56,000 ang bilang ng mga residente ang nagpalista sa kanilang vaccination program.

Ito’y sa loob lamang ng halos isang linggo nang buksan ang online pre-registration sa publiko sa pamamagitan ng www.manilacovid19vaccine.com.

Naniniwala si Manila Mayor Isko Moreno na madadagdagan pa ang bilang ng mga residente na magpapa-rehistro lalo na’t nagawang masiguro ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng bakuna sa COVID-19.


Ayon kay Moreno, hinahintay na lamang ang kasunduan sa pagitan nila, ng manufacturer, at national government.

Bagama’t hindi naman pinangalanan ng alkalde ang nasabing kompanya na gumagawa ng bakuna kontra COVID-19, kaniya namang sinabi na ito ang nangunguna sa ngayon sa paggawa ng bakuna.

Tinatayang nasa higit 1.78 milyon ang bilang ng residente sa Maynila pero nasa 3% pa lamang ng populasyon nito ang nakapagparehistro para sa libreng bakuna.

Facebook Comments