Ilang mga nais mabakunahan gamit ang Pfizer vaccines, dumagsa sa isang vaccination site sa Ermita, Maynila

Umaabot sa halos 3,000 indibidwal na nais magpabakuna kontra COVID-19 gamit ang Pfizer vaccine ang dumagsa sa Manila Prince Hotel sa Ermita ngayong araw.

Alas-4:00 ng madaling araw pa lamang ay mahaba na ang pila na kinabibilangan A1 to A3 groups kaya’t nagkaroon ng kaguluhan sa pila.

Nabatid kasi na ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nasa 900 doses ng Pfizer vaccine lamang ang inilaan sa mga nais magpabakuna sa nasabing hotel.


Dahil dito, nahirapan ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pagsasaayos ng mahabang pila para mapanatili ang pagpatupad ng minimum health protocols tulad na lamang ng physical distancing gayundin ang pagsusuot ng face mask at faceshield.

Personal namang nagtungo sa nasabing vaccination site bilang kinatawan ng lokal na pamahalaan si Liga ng Barangay President Lei Lacuna upang magbigay ng direktiba at maisaayos ang pila ng mga nais magpabakuna.

Alas-8:00 ng umaga ng masimulan ang pagbabakuna kung saan ginanap ito sa loob ng naturang hotel.

Bukod sa Manila Prince Hotel ay may 18 vaccination sites pa na inilaan ang lokal na pamahalaan na matatagpuan sa buong Maynila kung saan gagamitin ang bakunang Sinovac para sa first dose na nakalaan sa kategoryang A1 hanggang A3.

Kasabay nito ay magsasagawa naman ng second dose vaccination gamit ang AstraZeneca vaccine sa Ospital ng Maynila para sa kategoryang A1 hanggang A3 na naturukan ng kanilang first dose nitong March 19 at March 23.

Bukod dito ay may gagawin din na home service vaccination para sa mga bedridden citizen sa lungsod kabilang na ang mga naka-schedule sa kanilang second dose gamit ang Sinovac vaccine para sa kategoryang A1 hanggang A3 na naturukan ng kanilang first dose nitong April 20.

Facebook Comments