May ilang pasahero pa rin ang nananatili sa labas ng Manila Northport Passenger Terminal ngayong araw.
Ang mga indibidwal na ito ay pawang mga chance passenger na umaasang makakabiyahe pauwi sa kanilang mga probinsiya sa Mindanao partikular sa Butuan.
Bagama’t may naka-schedule na biyahe, ito ay pawang patungo lang ng Bacolod ayon na rin sa mga tauhan ng Manila Northport Passenger Terminal.
Dahil dito, umaasa ang mga nasabing mga pasahero na magkakaroon pa rin ng biyahe kung saan handa silang maghintay sa labas ng nasabing terminal kahit pa abutin sila ng Pasko.
Kwento ng ilang pasahero na nagtungo rito, hindi sila nakakuha ng booking ng kanilang biyahe dahil sa nagdalawang-isip sila bunsod na rin ng nagdaang bagyo at naging busy sa trabaho noong isang linggo.
Nauna nang inihayag ng pamunuan ng Manila Northport Passenger Terminal na hindi nila hinihimok ang mga pasahero na manatili o mag-overnight sa labas ng terminal kung saan posible maging dahilan ng kumpulan ng tao lalo na’t may banta pa rin ng COVID-19 sa bansa.