Ilang mga operator at PUV drivers, hiling ang pantay at mabilis na pamamahagi ng fuel subsidy ngayong araw

Hiniling ng ilang mga operator at public utility vehicles (PUV) drivers maging ang mga motorista na sana’y maging mabilis at pantay ang pamamahagi ng subsidiya bilang tulong na rin sa walang prenong taas- presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngayong araw kasi ipagpapatuloy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay subsidiya para sa mga kumukunsumo ng petrolyo.

Ayon sa mga tsuper na nakapanayam ng RMN Manila, laking tulong na rin umano nitong fuel subsidy at nang sa gayon ay makabawas-bawas naman sa gastusin, gaya na lamang kahapon ng magsimulang magtaas na naman ang mga petroleum company ng sunod sunod at ika-sampung linggo.


Giit pa ng ilan, sana raw ay maimahagi na ito sa lalong madaling panahon dahil patuloy umano silang kumukunsumo ng petrolyo na talaga namang isa rin sa dahilan kung bakit kakaramput na lamang ang kanilang naiuuwi sa maghapon.

Samantala, sa taya pa rin ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB, nasa 1.36 milyon na mga operator ang makatatanggap ng subsidiya nasa 280,000 na unit ng PUVs ang makikinabang sa programa habang 930,000 ang tricycle at 150,000 naman sa mga delivery service.

Facebook Comments