Ilang mga opisyal ng gobyerno, nakiisa sa Trillion Peso March

Ilang kongresista at senador ang nagtungo sa EDSA People Power Monument sa Quezon City upang makiisa sa Trillion Peso March.

Dumalo sa EDSA Shrine kaninang umaga sina Akbayan Congressmen Chel Diokno at Percy Cendaña na sila ring sumama sa pagmartsa papunta sa sa People Power Monument.

Ani Cendaña, kanilang inaasahan na mas rarami ang sasama sa malawakang kilos-protesta at makikiisa rin ang ilang mga tao mula sa iba’t ibang probinsya.

Samantala, nanawagan naman ang kongresista kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pabilisin na ang paglilitis sa nangyayaring korapsyon sa bansa.

Ayon naman kay Diokno, bukod sa pagproseso ng mga kasong kriminal laban sa mga sangkot sa korapsyon, dapat aniya na magkaroon ng konkretong hakbang ang pamahalaan para dito.

Dumating rin sa EDSA Shrine si Mayor for Good Governance Baguio City Benjie Magalong kung saan sinabi nito na kahit siya mismo ay nararamdaman ang sentimyento ng taumbayan kung saan nababagalan umano siya sa imbestigasyon sa anomlya sa flood control projects.

Bukod sa kanila, narito rin sa EDSA People Power Monument para sa kilos-protesta sina Congresswoman Leila De Lima, Senators Bam Aquino at Kiko Pangilinan.

Samantala, ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nasa mahigit kumulang 4,000 libong katao na ang dumalo sa naturang protesta.

Kung saan ilan sa kanila ay nilapatan ng paunang lunas kabilang ang isang indibidwal na natisod habang may ilan ring nagpatingin ng kanilang blood pressure dulot ng mainit na panahon.

Facebook Comments