Walang naramdaman na anumang adverse effects ang ilang mga opisyal ng pamahalaan at Philippine General Hospital (PGH) matapos maturukan ng Sinovac vaccines.
Kapwa sinabi nina PGH Dir. Dr. Gap Legaspi, Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo at MMDA Chairman Benhur Abalos na wala silang naramdaman na systemic effect matapos ang unang dose ng bakuna.
Nabatid na matapos mabakunahan, isinailalim sila kasama ang ilang medical personnel sa monitoring ng halos kalahating oras para malaman kung mayroong adverse effect.
Sinabi naman ni Domingo na muli silang bibigyan ng ikalawang dose ng Sinovac vaccine matapos ang apat na linggo.
Panawagan pa nila sa ibang health care workers na huwag nang mangamba dahil ligtas ang bakuna na una na rin inaprubahan ng FDA.
Sa naging pahayag naman ni Legaspi, tila nagkaroon ng miscommunication kaya’t ang iba sa kanilang mga tauhan ay nagda-dalawang isip.
Muli ring iginiit ng director ng PGH na hindi sapilitan ang pagpapabakuna at wala naman daw problema kung nais ng iba nilang health workers na pumili ng bakuna na nais nila.
Sa ngayon, tuluy-tuloy ang pagbibigay ng Sinovac vaccines sa mga health care workers ng PGH kung saan nasa 96 na personnel ng hospital ang naisalang sa loob ng isang oras ayon na rin kay Dir. Legaspi.