Ilang mga paaralan na hindi kasama sa pilot run ng face-to-face classes, nakahanda na rin sakaling magbalik-eskwela na

Binisita ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang ilang mga paaralan para silipin kung paano naghahanda ang mga ito sa unti-unting pagbabalik sa paaralan ng mga estudyante at guro.

Ilan sa mga pinuntahan ng kongresista ang Payatas B Annex Elementary School at Bagong Silangan Elementary School na hindi kasama sa 100 eskwelahan na kabilang sa pilot-run ng face-to-face classes ngayong araw.

Pero ang mga nabanggit na paaralan ay naghahanda para sa unti-unti, boluntaryo at limitadong pagbabalik eskwela.


Nakita ni Castro na kahit kulang sa suporta at sa pondo ay nagkukusa ang mga paaralan para sa ligtas na pag-aaral ng mga estudyante.

Nakahanda aniya ang mga silid aralan ng mga eskwelahan para sa limitadong bilang ng mga mag-aaral na nasa 15 hanggang 20 lamang, sapat na bentilasyon, hiwalay na entrance at exits, isolation area, signages, lavatory sa bawat classrooms, at handwashing facilities.

Iginiit ng mambabatas na kung kayang buksan ang mga malls sa mga kabataan ay hindi hamak na mas dapat iprayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Muling kinalampag ng kongresista ang Department of Education (DepEd) na unahin ang safe-reopening ng mga eskwelahan habang ang Senado naman ay hinihimok na ilipat ang pondo ng NTF-ELCAC sa mga programa para sa education sector.

Facebook Comments