Tuloy-tuloy ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga paglilinis at pagsasaayos sa paligid ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church.
Ang mga tauhan ng Manila Department of Public Service (MDPS) ang namamahala sa paglilinis kung saan bukod sa pagwawalis, nagsagawa rin ng flushing operations.
Patuloy ang pagsasaayos at pagpipintura ng Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW) sa mga poste at arko na malapit sa simbahan para muling manumbalik ang ganda ng mga ito.
Bukod dito, maaga rin hinakot ang mga basura na naiwan ng mga vendors matapos na sila ay pansamantalang pinaalis upang maging maluwag ang mga kalsada sa paligid ng Quiapo Church.
Mahigpit na nagbabantay ang mga tauham ng Manila Police District (MPD) upang masiguro na walang mga vendor ang babalik sa labas ng simbahan.
Para masiguro naman magiging maaayos ang usad ng trapiko, nagtutulong-tulong ang Manila Traffic And Parking Bureau (MTPB) at MPD Traffic sa pagmamando nito lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng milyon-milyong deboto hanggang sa mismong araw ng Traslacion.










